Panulat ni: G. Dan Aguirre
Matagumpay na isinagawa ang paggunita sa Buwan ng Wika 2026 sa Manuel L. Quezon University (MLQU), tampok ang iba’t ibang gawaing nagbigay-daan upang maipamalas at mapahalagahan ang mayamang wika, sining, kultura, at pamana ng mga Pilipino.
Lumikha ng sariling tema ang Kagawaran ng Batayang Edukasyon (Basic Education) ng MLQU para sa paggunita ngayong taon, “Wikang Filipino: Wika ng Búhay, Maláy ng Katarungang Panlipunan,” bilang pagkilala at pagbuhay sa legasiyang ipinaglaban at ipinamana ni Dat. Pangulong Manuel L. Quezon, na kinikilala sa kaniyang mahalagang ambag sa pagsusulong ng wikang pambansa.

Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ni Ginoong Jay Mathias Arellano, punong-guro ng Kagawaran ng Batayang Edukasyon, na higit sa lahat, ang araw ay isang selebrasyon at pagbibigay-pugay sa makulay at kahanga-hangang kulturang Pilipino na patuloy na hinahangaan maging ng mga dayuhan. Ibinahagi niya ang kaniyang mga karanasan sa pagdalo sa iba’t ibang pistang Pilipino, gaya ng Kadayawan, Sinulog, at Dinagyang Festival, kung saan kaniyang nasaksihan ang paghanga ng mga dayuhang bisita sa makulay, magarbo, at makasaysayang kultura ng bansa.
Binigyang-diin din ni G. Arellano na ang mga pistang Pilipino ay naglalarawan ng mayabong na kultura, relihiyon, sining, at literatura na nag-ugat pa sa ating mga ninuno. Sa pamamagitan ng mga pagdiriwang na tulad nito, patuloy na naisasabuhay at naipapasa sa mga susunod na salinlahi ang mga pamanang bumubuo sa pagkakakilanlang Pilipino.
Kabilang sa mga isinagawang gawain ang Tagisan ng Talino at Lakambini at Lakandula, na nagsilbing entablado upang maipamalas ng mga mag-aaral ang kanilang talino, husay, at galing sa malikhaing pagpapahayag.

Tampok naman sa pagdiriwang ang Saliw sa Laya: Indakang Makyo, isang pagtatanghal na nagbigay-buhay sa iba’t ibang pistang Pilipino. Itinampok dito ang Diyandi Festival, MassKara Festival, Niyogyugan Festival, Dinagyang Festival, at Pintaflores Festival, na ipinamalas sa pamamagitan ng sayaw, musika, kasuotan, at makukulay na pagtatanghal.



Sa pamamagitan ng mga pagtatanghal, naipakita ang sari-saring kuwento, tradisyon, at pagpapahalagang nakapaloob sa mga pistang Pilipino, na higit na nagpatibay sa pagpapahalaga ng mga mag-aaral sa sariling kultura at identidad.
Nagtapos ang gunita sa pagkilala sa mga nagsipagwagi sa iba’t ibang patimpalak bilang pagbibigay-pugay sa kanilang husay, talento, at malikhaing ambag sa pagdiriwang. Sa pagtatapos ng programa, bitbit ng bawat isa ang pangakong hindi magtatapos sa kulminasyon ng Buwan ng Wika ang pagpapahalaga at pagpapayaman sa kulturang Pilipino, bagkus ay patuloy itong isasabuhay at ipapasa sa mga susunod na salinlahi.
Pumunta sa Facebook post upang makita ang lahat ng kuhang larawan sa selebrasyon.